HomeTop News Philippines

Vice Ganda, minsang naging guest ni Regine Velasquez sa concert

MAYNILA — Extra “Fantastic” na 2019 ngayon ang hinaharap ni Vice Ganda para sa kanyang nalalapit na three-night back-to-back concert kasama si Regine Velasquez na “Regine & Vice Ganda: The Songbird and The Song Horse.”

Kuwento ni Vice sa kasagsagan ng pag-promote niya ng 2018 Metro Manila Film Festival movie niya na “Fantastica,” hindi niya inakala na makakasama niya sa isang major concert si Regine.

“Alam mo, ang fantasy ko noong bata ako ay kumakanta ako ‘tapos ka-duet ko si Regine Velasquez,” ani Vice.

“Dati akala ko fantasy lang siya. But because life is fantastic and the Lord is fantastic, I am given the chance to sing with Regine Velasquez. Naging totoo ‘yung fantasy,” kuwento pa niya.

Sa panayam, muling binalikan ni Vice ang panahon na unang beses siyang nakatungtong sa entablado kasama si Regine.

Ayon sa “It’s Showtime” host, isa siya sa mga “Reginettes” sa “R2K” concert ni Regine sa Araneta Coliseum noong taong 2000.

“Alam mo ba ang first Araneta ko, ang first tungtong ko ng Araneta, ‘yung concert ni Regine na ‘R2K’? Guest ako tapos kami ‘yung mga ‘Reginettes’ kasi dati kumakanta pa ako ng Regine. May boses pa ako, may falsetto pa ako. Nawala na lang ngayon,” aniya.

“Kumanta ako ng ‘You Never Walk Alone’ sa Araneta kasama ko si Regine, ‘yun ang first Araneta ko. This time, buong concert ko na siya kasama, dalawa kami ni Regine,” patuloy ni Vice.

Sa darating na Pebrero 14, 15, at 16 mapapanood ang Valentine’s Day concert nina Regine at Vice sa Araneta Coliseum. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.