HomeTop News Philippines

Trak na may ilegal na pinutol na kahoy, naharang sa Misamis Oriental

JASAAN, Misamis Oriental – Isang trak na may kargang mga kahoy ang naharang sa bayan ng Jasaan Linggo ng tanghali.

Laman ng 10-wheeler ang mga ilegal na pinutol na kahoy na lawaan na tinatayang nasa higit 10,000 board feet at P700,000 ang halaga.

Sa impormasyon ng pulis, galing sa Lianga, Surigao del Sur ang mga kahoy na dadalhin sana sa isang warehouse sa Baloy, Barangay Tablon sa Cagayan de Oro City.

Walang maipakitang clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), cutting at transportation permit para sa mga kargamento ang driver, pahinante at isang babaeng sakay ng trak. 

Ayon kay Jasaan Municipal Police OIC, Police Capt. Dennis Ebsolo, wala ng permit na ibinibigay ang DENR para sa pagputol ng mga red lawaan. Meron na ding pinirmahan ang pangulo na executive order na wala nang kahoy na ipupuslit.

Dagdag pa ni Ebsolo na nakatanggap sila ng intelligence report tungkol sa ibibyahe na mga kargamento kaya nila ito inabangan.

Banggit ni Jerome Pioquinto, chief enforcer ng Philippine Environment and Natural Resources Office Misamis Oriental, na iimbestigahan nila kung sino ang may-ari ng mga kargamento para masampahan ng kaukulang kaso.

Ayon sa batas, maaaring makulong sa anim na taon ang sino mang mapatunayang lumabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.