HomeTop News Philippines

Taxi driver na natalo sa sugal, nangholdap ng pasahero

MAYNILA – Arestado ang isang taxi driver matapos siyang mangholdap ng pasahero sa Cubao, Quezon City nang matalo sa sugal.

Nahuli ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Jake Destacamento sa kaniyang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon kay Police Maj. Artemio Galicia ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10, hiniram umano ng suspek ang phone ng babaeng pasahero para mag-Waze.

“Tapos nagtaka siya paikot-ikot. Dun na siya tinutukan ng patalim,” aniya.

Sa kuha ng CCTV, tumalon ang babae sa bintana ng taxi at sugatang nagsumbong sa mga pulis.

Depensa ni Destacamento, gipit umano siya matapos matalo sa sugal.

“Tumawag na kasi operator. Eh natalo ako sa sugal. Wala ako pampagasolina at pang-boundary. Sabi ko ‘pag may pumara na lang sakin,” aniya.

Giit ni Destacamento, hindi niya tinutukan ng patalim ang pasahero.

“Pinakita ko lang. Tapos sabi ko, ‘Pera lang kailangan ko sa inyo’… ayun binigay sakin P480,” aniya.

Inamin ni Destacamento na gumagamit siya ng shabu. Nagsisisi siya ngayon sa kaniyang nagawa.

“Dahil lang sa P480 makukulong ako… naiisip ko mga anak ko. Lumaki ako walang tatay. Ayaw ko mangyari sa kanila ‘yun,” aniya.

Kinasuhan na si Destacamento ng robbery. – Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.