HomeTop News Philippines

SOCO: Bangkay ng estudyante natagpuan sa isang creek

Halos hindi na makilala nang matagpuan ang nawawalang 20-taong gulang na estudyanteng si alyas “Mitchie” sa isang creek sa Naic, Cavite noong Setyembre 28, 2018.

“Ni-lift nila ‘yung body na natakpan ng mga damo na dried. Siguro ginawa ‘yun ng suspek para mag-camouflage doon sa environment,” ayon kay Supt. Janet Arinabo, hepe ng Naic police.

“Nasa stage of decomposition na ‘yung mukha ng victim. Hindi mo talaga makikilala kung kaibigan ka niya. Nakilala namin siya sa suot tsaka sa kamag-anak,” dagdag ng pulis.

Walang saplot pang-ibaba ang biktima nang datnan ng mga awtoridad.

“Nung nakita namin siya, half-naked siya. Wala na ‘yung undergarments. ‘Yung undergarments niya, nasa likod ng hinihigaan niya,” ani Arinabo.

Base sa post-mortem examination, pagsakal, pagpukpok sa ulo, at paghambalos sa katawan maging sa maselang bahagi ng katawan ang ikinamatay ni Mitchie.

Ayon sa kaanak ng biktima, nagpaalam si Mitchie na gagawa ng school project sa computer shop kasama ang nakababatang kapatid na si alyas “Andy” noong gabi ng Setyembre 26. 

Pero noo’y nauna raw umalis si Mitchie sa computer shop.

“Sinisisi ko ‘yung sarili ko kasi napabayaan ko siya. Kasi totoo nga naman ‘yung sabi nila. Bakit ko pinabayaan ate ko, ganon na kadilim. Ako ‘yung huling kasama. Ako ‘yung huling kausap tapos hindi ko man lang siya naprotektahan,” sabi ni Andy.

Bagamat walang lead at testigo, naniniwala ang mga awtoridad na malapit lang sa lugar ang responsable sa krimen.

“So nag-start muna kami [sa] mga taong nagtatrabaho don. Mostly is construction workers. Do’n na kami nag-invite ng personalities… considered persons of interest na sila,” ayon kay Arinabo.

Kinuhanan ng salaysay at isinailalim sa proseso ng buccal swabbing ang mga naturang persons of interest. 

Sa paulit-ulit na follow-up investigation, nasentro sa isang tao ang hinala ng mga awtoridad: isang lalaking nagngangalang Jonard Panesa.

“Hindi mo mapaghihinalaan pero may nakakita na nandun siya sa area that time, mga 11 p.m. na after mawala si Mitchie,” sabi ng pulis.

Kasabay ng imbestigasyon, naaresto naman ng mga pulis ang dalawang lalaki sa isang buy-bust operation, at kabilang dito si Panesa.

“Kinausap namin si Jonard nung nasa kulungan na siya. Kinausap namin, ‘Ikaw, nag-positive ka sa DNA’ [sa kaso ni Mitchie]. Tapos sabi niya, hindi lang naman siya mag-isa,” ani Arinabo.

Panoorin ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong ika-12 ng Enero, Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.