HomeTop News Philippines

‘Smuggled’ na sigarilyo at bigas, nasabat ng Coast Guard

ZAMBOANGA CITY – Ilang kahon ng sigarilyo at mga sako ng bigas ang nasabat ng Philippine Coast Guard sa magkahiwalay na insidente sa Zamboanga City at Basilan.

Nitong Lunes, kinumpiska ng Coast Guard ang ilang kahon ng imported na sigarilyo sa Zamboanga Port.

May tatak na “Fort” ang mga kahon ng sigarilyo na nakita sa loob ng isang barkong papuntang Jolo, Sulu.

Ayon kay Lieutenant Commander Noriel Ramos, may mga papeles naman ang mga kahon kaya ito naisakay sa barko.

Tinutukoy pa ng mga awtoridad ang kabuuang bilang at halaga ng mga sigarilyo.

Sa bayan naman ng Maluso sa Basilan, isang sasakyang pandagat na may kargang mahigit 4,000 sako ng bigas ang nasabat ng Coast Guard noong Sabado.

Ayon kay Ramos, nagpapatrol ang kaniyang mga tauhan nang makita ang motor launch.

Galing umanong Tongkil, Sulu ang sasakyan.

Hindi pa matukoy ang tatak ng bigas dahil nai-repack na ito.

Nai-turn over na rin sa Bureau of Customs ang nasabat na mga sako ng bigas, na pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.