HomeTop News Philippines

Sara Duterte sinaway ng ina sa mga patutsada vs Robredo, Otso Diretso

Inamin ni Davao City mayor at Hugpong ng Pagbabago (HNP) chairman Sara Duterte-Carpio na napagsabihan siya ng ina dahil sa mga banat niya kay Vice President Leni Robredo at opposition ticket Otso Diretso.

Ang HNP ay isang regional party na binuo ni Duterte-Carpio at kasalukuyang nag-eendorso at nangangampanya para mga piling kandidato ng administrasyon.

Sa isang kampanya sa Lipa City, Batangas, sinabi ni Duterte-Carpio na tinawagan siya ng inang si Elizabeth Zimmerman nitong Linggo ng umaga para sabihing tantanan na niya ang mga taga-oposisyon.

“Sinabi niya na huwag daw akong makipag-away at huwag ko daw i-bully ang mga opposition sa administration ni President Rodrigo Duterte. And sinabi niya na I should always be kind first before anything else,” aniya.

“Medyo napagalitan ako,” dagdag niya.

Dahil dito, ayon sa alkalde, titigil na umano siya sa pagbatikos sa oposisyon sa lahat ng kanilang campaign programs.
    
Hindi na rin siya nagbigay pa ng patutsada kay Robredo matapos ang kanilang sagutan ukol sa “katapatan.”

— Ulat ni Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.