HomeTop News Philippines

Pamunuan ng expressways, naghahanda sa dagsa ng mga biyahero sa Undas

Bahagi ng North Luzon Expressway noong Oktubre 2017. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Naghahanda na ang mga pamunuan ng mga expressway para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa darating na Undas.

Ayon kay Glenn Campos, vice president for technology ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation, tumataas ng 10 porsiyento ang bilang ng mga sasakyang dumadaan sa mga expressway tuwing Undas kompara sa mga ordinaryong araw. 

Mula tanghali ng Oktubre 31 hanggang umaga ng Nobyembre 1 inaasahang sisikip ang mga kalsada dahil sa mga luluwas, sabi ni Campos sa press conference ngayong Martes.

Ayon kay Campos, magtatalaga ng mga dagdag na teller sa NLEX, Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX), at Manila–Cavite Expressway (Cavitex), at mago-overtime din ang mga tauhan.

Magdadagdag naman ng patrol teams sa Cavitex para mangasiwa sa daloy ng trapiko at tumulong sa mga motoristang makararanas ng aberya.

Sususpendehin naman ang mga konstruksiyon sa mga expressway mula alas-5 ng hapon ng Oktubre 26 hanggang alas-9 ng umaga ng Nobyembre 5.

Ang NLEX Corporation ang nangangasiwa sa NLEX at SCTEX. Isa itong subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation na siyang nangangasiwa rin sa Cavitex.

Ipalalabas din daw ng mga pamunuan ng expressway ang aktuwal na lagay ng trapiko sa mga expressway sa pamamagitan ng Facebook Live mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 4.

Ipinapayo naman ng mga pamunuan ng mga expressway sa mga motorista na planuhing maigi ang kanilang mga biyahe.

Mainam umanong tiyaking nasa maayos na kondisyon ang sasakyan at ang nagmamaneho para makaiwas sa disgrasya.

DAGDAG-SINGIL SA TOLL, DI PA MAIPATUTUPAD

Inihayag naman ni Toll Regulatory Board (TRB) spokesperson Alberto “Bert” Suansing na bagaman may mga nakahain sa kanilang mga petisyon na dagdag sa singil sa toll fee, hindi pa ito madesisyunan o maipatutupad agad-agad.

Maaari raw kasi itong sumabay, ani Suansing, sa epekto ng inflation o iyong bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.

“‘Yong Department of Finance ay nag-iingat din. That’s why combination iyan ng timing at saka ‘yong situwasyon natin ngayon,” ani Suansing.

Sa oras na mapagdesisyunan ang toll hike, maaaring umabot sa P9 ang ipatong sa kasalukuyang toll fee.

Pero mayroon din namang panukalang layong utay-utayin ang pagpataw ng dagdag-singil sa toll fee, ani Suansing.

PAGHAHANDA NG MMDA

Puspusan na rin ang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga kalsadang malapit sa mga sementeryo para matiyak na hindi magsisikip ang mga ito sa darating na Undas.

May 25 pribadong sasakyan at motorsiklo ang pinatawan ng traffic violation sa clearing operation ng MMDA nitong Martes sa Zobel Roxas Street hanggang Kalayaan Avenue na malapit sa Manila South Cemetery.

Ilegal umano ang pagparada ng mga sasakyan habang walang helmet at lisensiya ang ibang nakamotorsiklo.

–Ulat nina Raphael Bosano, Zhander Cayabyab at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.