HomeTop News Philippines

Pagpapasulat ng promissory note sa bata, uri ng ‘child abuse’: abogado

Kamakailan ay nag-viral sa social media ang post ng isang netizen na inerereklamo ang pagpapasulat ng eskuwelahan ng promissory note sa isang 6 anyos na estudyante.

Ayon kay Atty. Noel Del Prado, patong-patong ang naging paglabag ng paaralang nagpasulat sa paslit ng promissory note.

Aniya, paglabag ito sa Presidential Decree 06, kung saan nakalahad na hindi dapat pasanin ng bata ang obligasyon ng kaniyang magulang na bayaran ang kaniyang matrikula.

“Sa pagsusulat ng promissory note ay kumbaga ipinahiya ‘yung bata so doon sa aspeto nito bawal na,” pahayag niya sa “Usapang de Campanilla” noong Huwebes.

Kaakibat din daw nito ang paglabag ng paaralan ang Republic Act 7610 o “Anti-Child Abuse Act” sa pagpapahiya sa bata, na maaaring may sikolohikal na epekto rito.

“Kahit na anong kilos, pasalita o paggawa kung ito ay pagpapahiya, kumukutya o nakakapagbaba ng dangal o dignidad ng bata o halaga bilang tao, ito ay isang krimen,” ani Del Prado.

Bukod pa rito ay walang-bisa ang sinulat ng bata sapagka’t maituturing lang na legal na dokumento ang promissory note na may pirma ng sino mang nasa tamang edad.

“Ang bata kung wala pa siyang 18 anyos hindi pa siya hinahayaan ng batas sa kahit anong uri ng kontrata. Wala pa siyang legal capacity,” paliwanag ni Del Prado.

May parusang kulong at multa sa sino mang lalabag sa Anti-Child Abuse Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.