HomeTop News Philippines

Pag-aresto kay Trillanes, di pinagbigyan ng Makati court

Sen. Antonio Trillanes IV. ABS-CBN News/file

Tinanggihan nitong Lunes ng isang korte sa Makati ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na arestuhin si Sen. Antonio Trillanes IV para sa kasong kudeta.

Kinumpirma ni Acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang pagtanggi ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 na maglabas ng warrant of arrest at hold-departure order laban kay Trillanes.

Setyembre 4 nang hilingin ng DOJ sa Makati RTC Branch 148 ang arrest warrant at hold-departure order matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Proclamation 572 ang amnestiyang ipinagkaloob sa senador noong 2011.

Ang Branch 148 ang korteng humawak sa coup d’etat case dahil sa Oakwood mutiny na kinasangkutan ni Trillanes noong 2003.

Ayon sa Proclamation 572 ni Duterte, palpak ang naging aplikasyon ni Trillanes para sa amnestiya kaya wala itong bisa sa simula pa lamang, dahilan para muling dinggin ang mga kasong hinarap noon ng senador.

Nauna nang naaresto si Trillanes noong Setyembre 25 sa utos ng Makati RTC Branch 150 kaugnay naman sa kasong rebelyon dahil sa 2007 Manila Peninsula siege pero agad siyang nakapagpiyansa.

— May ulat nina Mike Navallo at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.