HomeTop News Philippines

P30,000 natangay ng lalaking nagpanggap na nagbebenta ng diyaryo

Aabot sa P30,000 ang natangay ng isang lalaki na nagpanggap umanong nagbebenta ng diyaryo sa Sampaloc, Maynila.

Maga-alas-7 ng umaga nang makuhanan ng closed-circuit television (CCTV) sa may Prudencio Street ang matandang lalaking tila iika-ika at hirap maglakad.

Kumatok siya sa bahay ni Delia Ila at kinausap ang babae ukol sa ibinebentang dyaryo, kuwento ni Ila.

Humingi raw ng lapis at papel ang lalaki pero pagbalik ni Ila ay nawala na ang lalaki, ani Ila.

Nakita na lang sa CCTV na umalis ang lalaki na may bitbit nang bag at inipit pa ito sa dalang diyaryo.

Hindi na rin ito paika-ika at mabilis nang naglakad at sumakay ng jeep, base sa kuha.

Ayon kay Ila, hindi niya namalayang nakuha na pala ng lalaki ang bag ng anak habang abala siyang naghahanap ng lapis.

May laman daw ang bag na P30,000 kita sa piso net na negosyo ng anak.

Hinahanap pa rin ng mga awtoridad ang lalaki.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.