HomeTop News Philippines

P3.4 milyong halaga ng ‘shabu’ nasamsam sa Taguig

MAYNILA – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa New Lower Bicutan, Taguig City nitong Biyernes.

Arestado naman si Euela Arguel Rosario na siyang target ng operasyon. Dati na siyang nakulong noong 2012 sa parehong kaso pero nakalaya matapos ito maabsuwelto.

Nakuha sa suspek ang nasa kalahating kilo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.

Ayon kay Levi Ortiz, direktor ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakatanggap sila ng reklamo mula sa ilang magulang na sangkot si Rosario sa talamak na bentahan ng shabu sa tapat ng isang paaralan sa Taguig.

Ginagawa umano ng suspek na runner ang mga menor de edad, dagdag ni Ortiz.

Itinanggi ni Rosario na sangkot siya sa pagtutulak pero aminadong gumagamit ng droga. 

“Gumagamit ako, aminado ako,” aniya.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. – ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.