HomeTop News Philippines

P13-M halaga ng ‘shabu’, nasamsam sa QC

MAYNILA – Nasamsam ng mga pulis ang nasa P13 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Barangay Holy Spirit, Quezon City Sabado ng madaling-araw.

Arestado rin ang isang babae, 27 anyos, at kaniyang kasamang lalaki, 35 anyos, na umano’y sangkot sa pagtutulak.

Ayon kay Senior Insp. Noel Victor ng Quezon City Police District (QCPD) Station 8, isinagawa ang operasyon matapos ibinunyag ng isang drug courier ang kaniyang supplier.

Itinuro ng drug courier na galing ang droga mula sa babaeng suspek.

Nagpositibo ang operasyon matapos nakabili ang poseur buyer ng P4,000 halaga ng shabu mula sa babae.

Nakumpiska sa bahay nito ang nasa 2 kilo ng umano’y shabu na may street value na P13 milyon.

Naabutan din sa loob ang kasamang lalaki na nagsisilbing runner nito.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. – ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.