HomeTop News Philippines

‘Nagtalsikan kami’: Mga pasahero idinetalye ang banggaan ng 2 tren ng LRT-2

MAYNILA — Nagbanggaan ang dalawang tren ng LRT line 2 sa pagitan ng Cubao at Anonas station noong gabi ng Sabado, kung saan umabot sa 34 ang mga nasaktan.

Nayupi at natanggal ang ilang parte ng harapang bahagi ng dalawang bagon, batay sa mga larawan at video na ipinadala ng Bayan Patrollers.

Sa video ni Ritz Ian, makikita na magkadikit ang nguso ng dalawang tren na nasa eastbound track ng LRT-2. May dalawang pasahero ring nakitang naglalakad sa riles.

Sa video naman ni Ahya Lopez, makikita ang ilang pasahero na nakasalampak sa sahig at nasaktan dahil sa insidente.

Kuwento ng mga pasahero, nagulat sila sa bilis ng pangyayari.

“Nagtalsikan talaga kami sa may gitna. ‘Yung iba tumama talaga sa bakal. Nagsigawan kami, nag-brownout sa loob nang mga 5 minutes. Di nila ina-announce kung ano ‘yung nangyari,” sabi ni Lopez.

“Huminto kami, sinabihan kumapit then ayun akala namin may pagsabog, ‘yun na pala na binangga kami then lahat kami nagtalsikan sa loob,” sabi naman ni Cherry Ann Ignacio.

Umabot sa 34 ang kinailangang dalhin sa ospital matapos masaktan at lima dito ang kinailangang manatili sa pagamutan.

IMBESTIGASYON

Sa inisyal na imbestigasyon, isang dead train o sirang tren ang ipinarada sa pocket track sa pagitan ng Anonas at Katipunan station pasado alas-2 ng hapon Sabado.

Pagsapit ng alas-9 ng gabi, biglang gumalaw ang dead train patungo ng Cubao station pero nasa eastbound track ito.

Sinalubong nito ang train number 13 na may mga sakay na mga pasahero at patungo sana ng Anonas station.

“For unknown reason, which will be the subject of further investigation, gumalaw ang sira na tren on its own for unknown reason,” sabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) spokesperson Atty. Hernando Cabrera.

Bumuo na ng fact finding committee ang pamunuan ng LRTA para imbestigahan hindi lamang ang nagkaaberyang tren kundi maging ang mga train operator, control center, at maintenance.

Susuriin din ang train monitoring system o ‘yung “blackbox” ng tren para malaman kung ano ba ang nangyari bago ang aksidente

Sa Miyerkoles inaasahang maisusumite ang kabuuang ulat ukol sa insidente.

Siniguro rin ng pamunuan na sagot nila ang mga gastusin sa ospital ng mga nasaktan.

Inabot ng umaga ang clearing operation sa mga nagkabanggaang tren pero pasado alas-10 ng umaga Linggo ay balik operasyon na ang LRT-2.

—Ulat nina Arra Perez at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.