HomeTop News Philippines

MODUS: Babae ‘nagbayad ng papel’ sa biniling cellphone online

Ginunting na papel na nakapaloob sa isang sobre ang binayad umano sa isang online seller sa Baguio City.

Naloko ang isang online seller ng cellphone sa Baguio City nang bayaran umano siya ng mga ginunting na papel ng katransaksiyon bago mag-Pasko.

Kuwento nitong Martes ng seller na si alyas “Anna”, pumayag ang babaeng kustomer na bilhin ang kaniyang cellphone sa halagang P11,000.

Nakasakay aniya sa pulang kotse ang buyer nang magkita sila sa Magsasay Avenue.

Dito na umano iniabot ni Anna ang cellphone habang binigyan naman siya ng babae ng sobreng naglalaman dapat ng bayad.
Matapos nito ay pinaharurot umano ng buyer ang sasakyan sa kasamahan.

Laking gulat na lamang ni Anna nang makitang papel lang pala ang laman ng ibinigay na sobre sa kaniya.

“Masakit po [ang nangyari] kasi malaking bagay na yung P11,000,” ayon kay Anna, na 5 taon nang nasa online selling business.

Matapos ang insidente, nadiskubre ng biktima sa ibang online users na gumagamit ang suspek ng ibang account name at picture sa pakikipag-transaksiyon.

Payo ni Superintendent Pelita Tacio ng Cordillera police Public Information Office, dapat maging alisto ang mga online sellers sa mga katransaksiyon nila.

“Kailangan muna nating kilalanin ang ating buyer and then kaibiganin muna natin. Huwag tayong masyadong nagmamadali lalo na at kung nag-aabutan na tayo, dapat kaliwaan ‘yan,” aniya.

— Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.