HomeTop News Philippines

Mga taga-Balangiga sinalubong ang 2019 kasama ang mga naisauling kampana

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng higit isang siglo ay sinalubong ng mga taga-Balangiga, Eastern Samar ang Bagong Taon sa pamamagitan ng pagpapatunog sa kanilang mga kampana na tinangay ng mga Amerikanong sundalo mula sa bayan noong 1901.

Mula sa simbahan ng San Lorenzo Martir ay maririnig ang pagtunog ng isa sa tatlong kampana, na hudyat ng pagtatawag sa mga mamamayan para sa misa sa pagsalubong sa Bagong Taon. 

Ang misa ay isa rin daw pasasalamat sa taong nagdaan dahil sa wakas ay naibalik na sa bayan ang mga kampana. 

“Gusto namin maalala na ang nakaraang taon ay makabuluhan dahil sa nabigyang katuparan ang aming matagal nang dasal na mapasaamin na ang aming mga kampana,” ani Fr. Serafin Tybaco, kura paroko ng San Lorenzo Martir.

Noong Pasko ay inilagay muna sa hardin sa gilid ng simbahan ang mga kampana. Ayon kay Tybaco, pansamantala lang ito hangga’t hindi pa muling naitatayo ang kampanaryo ng simbahan. 

Masaya naman ang mga residente na itinuring na biyaya ang pagkakabalik sa kanila ng mga kampana. 

Matapos ang misa, tumugtog ang banda malapit sa plaza ng bayan at saka sumunod ang pagkalembang muli ng kampana.

Ayon sa kura paroko, maging hudyat sana ang pagbabalik ng kampana ng pagsagana ng kanilang bayan. 

“Ang hiling namin na maging mapayapa at masagana ang buhay namin ng mga taga-Balangiga ngayong Bagong Taon,” sambit ni Tybaco.

—Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.