HomeTop News Philippines

Mga labi ni Chokoleit, nasa Davao City na

Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Dumating na sa Davao City Biyernes ng hapon ang mga labi ni Chokoleit na pumanaw sa edad na 48 dahil sa atake sa puso.

Nakaburol ito sa Cosmopolitan Memorial Chapel. Tubong Davao si Chokoleit o Jonathan Aguilar Garcia sa tunay na pangalan.

Dagsa ang mga kaanak, kaibigan, at katrabaho ni Chokoleit upang ipaabot ang kanilang pakikiramay. 

Ayon sa kaibigan ni Chokoleit na si Allan Tiongson, kapag umuuwi ng Davao si Chokoleit ay tinitiyak nito na magkita silang magkakaibigan.

“The last time na nagkita kami ni Chokoleit noong pagkamatay ng kaniyang mother that was a year ago. Sabi niya, ayaw niya bumalik sa Davao kasi nasasaktan siya sa memories ng kaniyang mother,” aniya.

Dumating sa burol si Bayani Agbayani na galing sa PDP-Laban rally sa Crocodile Park sa Davao City. 

Sinariwa ni Bayani ang huling pag-uusap nila ni Chokoleit.

“Last na nakausap ko siya, lumapit siya sa akin tapos may binulong siya. Sabi niya, “‘Yani tuwang-tuwa ako kasi nakikita uli kita sa TV. Ang galing-galing mo sa, “I Can See Your Voice.” Sabi niya, galingan ko pa para magtuloy-tuloy na ang TV ko lagi,” aniya.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamilya Garcia sa mga tumulong at nagbibigay pagmamahal kay Chokoleit.

Bukas sa publiko ang burol ni Chokoleit ngunit hiling ng pamilya na maging maayos ang pagbisita.

Alas-2 ng hapon sa Linggo, magkakaroon ng misa at pagkatapos ay icre-cremate na si Chokoleit.

Dinala rin ang urn ng ina ni Chokoleit mula Manila at ayon sa pamilya, isasabay sila sa columbarium sa Davao Memorial Park.