HomeTop News Philippines

Maria Ressa ng Rappler nagpiyansa sa kasong cyber libel

Nakapagpiyansa na ngayong Huwebes ang pinuno ng news website na Rappler na si Maria Ressa matapos arestuhin sa kasong cyber libel. 

Inaresto si Ressa noong Huwebes ng gabi matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte ukol sa kaso. 

Nagpalipas ng magdamag si Ressa sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI).

Mula sa tanggapan ng NBI ay pumunta ang kampo ni Ressa sa Manila Regional Trial Court Branch 46 para magpiyansa ng P100,000.

Ang cyber libel ay nag-ugat sa isang artikulo ng Rappler noong 2012 kung saan “siniraan” umano nito ang negosyanteng si Wilfredo Keng. 

Pero depensa ni Ressa, hindi pa naisasabatas ang cyber libel noong nalathala ang artikulo kaya hindi ito dapat sakop ng batas.

Kasama sa kaso ang dating Rappler reporter na si Reynaldo Santos Jr. 

Nauna nang iginiit ng Malacañang na hindi paniniil sa malayang pamamahayag ang pag-aresto kay Ressa .

— May ulat nina Johnson Manabat at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.