HomeTop News Philippines

Mag live-in partner tiklo sa buy-bust sa Bulacan

MAYNILA – Arestado ang mag-live-in partner sa buy-bust operation na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa San Jose Del Monte, Bulacan, Biyernes ng gabi. 

Sa paunang ulat mula sa SJDM police, arestado ang target at kinakasama nito sa isang bahay sa Zone 2, Barangay Graceville, bago mag-alas-11 ng gabi. 

Kasama sa operasyon ang mga tauhan ng PDEA Region I, III, at V sa pakikipag-ugnayan ng mga pulis-Bulacan at Pampanga. 

Ayon kay PDEA Region III director Gil Pabilona, high-value target ang suspek na itinuturong source ng shabu sa Central Luzon. 

Hanggang Maynila rin umano umaabot ang operasyon ng target. 

Ani Pabilona, bulto na kalahating kilo o higit pa ng shabu ang ibinebenta ng suspek at dinarayo pa ng mga parokyano sa bahay nila. 

Halagang P680,000 ang bibilhin sanang shabu ng pulis na nagpanggap na buyer sa mga suspek. 

Nakuha sa kanila ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na nasa isang plastic na lalagyan. 

Kakasuhan ang lalaking suspek ng pagbebenta ng droga at ang kinakasama niya ay mahaharap sa pakikipagkasabwatan sa bentahan nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.