HomeTop News Philippines

Mag-asawa, tiklo sa QC buy-bust

MAYNILA – Kalaboso ang mag-asawa at kanilang kasamahan sa buy-bust operation sa Barangay Socorro, Quezon City Biyernes ng madaling-araw.

Ayon kay Police Capt. Ramon Acquiatan Quezon City Police District (QCPD) Station 7, target ng operasyon si alyas Dodo na nagbebenta umano ng droga sa mga jeepney driver.

Nakabili ang pulisya ng P500 halaga ng hinihinalang shabu kay Dodo. Hinuli rin ang kaniyang asawa at kasamahan.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 33 sachet ng umano’y shabu na may halagang P30,000.

Dagdag ni Acquiatan, nakulong na dati ang 3 suspek sa parehong kaso.

Itinanggi naman nila na sangkot sila sa pagtutulak at sinabing nagbagong-buhay. Problemado umano ang mag-asawa lalo na’t may 8 silang anak.

Kakasuhan ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. – Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.