HomeTop News Philippines

Lola isinakay sa kotse, tinangayan ng alahas ng ‘budol-budol’

Isinakay sa pulang sasakyan ang lola, kung saan nakumbinsi itong ibigay ang kaniyang mga singsing na nagkakahalaga ng P10,000. Screengrab. 

Pauwi na sana mula sa palengke ang 66 taong gulang na si Benilda de Guzman bago harangin ng dalawang nagpakilalang kaibigan ng kaniyang anak. 

Kalaunan, nalamang mga miyembro pala ito ng budol-budol gang.

Kuwento ni De Guzman, pinasakay siya sa pulang kotse na naka-park noon sa N. Zamora Street sa Tondo at inimbitahan pa ng dalawa sa kasal nila sa sunod na linggo.

“Nagmano sa akin… May bibigay daw sila na souvenir galing abroad, sabi nila sumama ako tapos inakbayan pa ako,” anang biktima. 

Pagsakay sa kotse, inusisa ng mga salarin ang tatlong singsing na suot ng lola.

“Kinuha nila ‘yung singsing ko, saka tinanong kung may wallet daw ako at titingnan daw… Para akong na-hipnotismo, ang lakas ng kaba ko,” ayon sa lola. 

Hindi pa man nakakalayo, ibinaba na nila ang biktima. 

Binigyan ang biktima ng maliit na bag na naglalaman umano ng P15,000 na maaari lang niyang buksan pag-uwi ng bahay. 

Pero ang laman pala nito ay hindi pera kundi mga papel lamang. 

Ang masaklap, hindi ibinalik ng mga salarin ang mga singsing na may halagang P10,000.

Bukod sa halaga ng mga alahas, mas matimbang daw ang sentimental value ng mga iyon dahil regalo ng mga pamilya at kaibigan. 

“Di ako makatulog, sabi sa akin ng asawa ko buti na lang di niya ako binibili ng kuwintas.”

Nang rebyuhin ang CCTV, kitang tinakpan ang plaka ng pulang sasakyan na ginamit. Hindi rin kilala ng barangay ang mga salarin.

Ipinost na sa social media ang mukha ng mga salarin sa pag-asang makikilala ng publiko ang mga ito.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.