HomeTop News Philippines

‘Lider ng sidikato’ sa Japan, timbog sa Maynila

Sa halip na mag-Pasko sa Pilipinas, sa kulungan ang bagsak ng isang Japanese na wanted sa kaniyang bansa dahil sa pamemeke ng mga dokumento ng mga ibinebentang lupain.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, nahuli noong Miyerkoles ng pinagsanib na puwersa ng Tokyo Interpol at Immigration Fugitive Search Unit sa isang lugar sa kahabaan ng Gil Puyat ang suspek na si Misao Koyama, 59.

Humingi ng tulong ang Tokyo Interpol sa BI matapos matukoy na nagtatago sa bansa si Koyama, na sinasabing lider ng isang sindikato sa Japan.

Modus umano ng grupo ni Koyama ang pamemeke ng mga dokumento ng mga lupain para maibenta. Wala namang kaalam-alam ang tunay na may-ari ng lupain sa ilegal na gawain ng suspek.

Nasa bilyon-bilyong yen na umano ang nakulimbat ni Koyama sa mga nabiktima nito.

Pinoproseso na ang deportasyon ni Koyama para harapin nito sa Japan ang mga patong-patong na kasong nakasampa laban sa kaniya.

—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.