HomeTop News Philippines

‘Libo-libong trabaho maaaring mawala sa bagong housing dep’t’

Umaalma ang ilang empleyado ng National Housing Authority (NHA) at ang iba pang grupo sa posibleng epekto ng pagtatag ng bagong housing department sa kasalukuyang mga housing program, at maging sa mga empleyado ng ahensiya.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11201, na magtatatag sa Department of Human Settlements and Urban Development, na sasaklaw sa kapangyarihan at trabaho ng lahat ng ahensiyang may kinalaman sa pabahay, kabilang ang NHA.

Ayon kay Evangeline Javier, pangulo ng NHA Consolidated Union of Employees (CEU-COURAGE), libo-libong trabaho ang mawawala sa pagtatatag ng bagong ahensiya.

Dagdag niya na hindi sila kinonsulta o isinama sa mga pagdinig sa Kongreso ukol sa pagtatag ng bagong ahensiya.

“Ang aming pagpalag diyan ay ni hindi ho kami napatawag man lang, kaming mga kawani ng particular, diyan sa hearing hanggang sa pag-apruba ng batas na yan,” ani Javier sa isang protesta na nilahukan ng ilang empleyado ng NHA at ng grupong Kadamay.

Parehong nangangamba ang Kadamay at mga taga-NHA na lalong mabuksan sa korupsiyon ang sektor ng pabahay sa pagpasok ng maraming appointees.

Nangangamba naman ang ilang miyembro ng Kadamay na nanunuluyan sa mga housing units sa Pandi, Bulacan na mapapalayas sila sa mga bahay na ipinagkaloob sa kanila.

“Siguro, sa ngayon na hindi natutugunan ng NHA, wala pa kaming hawak na tiyak na katibayan na dito na talaga kami, mas madali po ‘yung pagpapaalis o pagpapa-demolish po sa amin,” ayon sa residenteng si Sheila Tiliron.

Sa pag-aaral noon ng Senado, may kakulangan sa Pilipinas ng higit isang milyong housing units. Pero ayon sa housing advocate na si Atty. Imee Cruz, luma pa ang numerong hawak ng Senado, sapagkat nasa tatlong milyon na ang kulang na socialized housing units sa bansa.

“I think it was 2 years ago pa. Pero kung makikita mo ngayon hindi lang talaga 1.2 million lang, siguro nasa 3 million nang mahigit ang kakulangan sa socialized housing,” ani Cruz.

Unang iginiit ni Jose Victor “JV” Ejercito, na principal author ng batas na mas mapapabilis ang pagproseso ng housing program ng pamahalaan sa pagsasabatas nito.

“By coming up with one full-fledged department, at least kahit lahat itong ay shelter agency under one full-pledge department, sana magkaroon na ng isang direction. Kumbaga, magkaroon na tayo ng isang roadmap para po sa housing program ng ating pamahalaan,” ani Ejercito.

— Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.