HomeTop News Philippines

Lalaking nanuhol umano sa pulis at 9 iba pang sabit sa droga, tiklo sa Maynila

Sinamahan sa kulungan ng 29 anyos na si alias Ismael ang kakilalang si alias Habi na nauna nang hinuli ng mga pulis sa Sta. Mesa, Manila dahil sa droga. 

Ayon kay Supt. Ruben Ramos ng Sta. Mesa Police Station, sa loob mismo ng istasyon kasi nag-abot si Ismael ng P90,000 sa pulis na umaresto kay Habi nitong Huwebes ng hapon sa buy-bust operation. 

Pumunta si Ismael sa presinto matapos pakiusapan ng asawa ni Habi ang mga pulis na palayain ito, pero nag-setup ang mga pulis ng entrapment operation para sa manunuhol.

Tingin ni Ramos, patunay ang halaga ng dalang pera ni Ismael at ang bilis ng pagdala nito na may malaking source ng pera ang kampo nila. 

“Ayaw natin ng ganyan. At least malaman nila na hindi nababayaran pulis natin,” ani Ramos. 

Si Habi ang pang-10 naaresto sa magkakasunod na operasyon ng Sta. Mesa police nitong Huwebes sa mga umano’y tulak at customer nila na nagsimula sa loob ng isang closed van sa P. Sanchez St. 

Kabilang dito ang isang maglive-in partner. 

Labing-apat na sachet ng hinihinalang shabu ang nasabat. 

Tinuro ng ilang nahuli si Habi na source nila. 

Depensa ni Habi, drug runner lang siya at napagutusan dahil galing pa siya ng Taguig. 

Wala namang alam si Ismael sa usapan ng asawa ni Habi at ng pulis at sinabing pinagdala lang sya ng pera. 

Haharap si Ismael sa kasong paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code o corruption of public officials. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.