HomeTop News Philippines

Lalaking nangholdap ng jeep, patay nang mabaril ng pasaherong pulis

CEBU CITY – Patay ang isang lalaking nangholdap umano ng isang pampasaherong jeep matapos mabaril ng isang pasaherong pulis Linggo ng gabi sa Magallanes Street, Cebu City.

Hindi na nailigtas ng medical team si Hygie Mambiar matapos magtamo ng mga sugat sa katawan. Nabaril ito ng isang pasaherong pulis matapos magdeklara ng holdap sa sinasakyang jeep.

Ayon sa pasahero na si Maria Elena Ypa, nagpanggap umanong pasahero si Mambiar at nang pababa na ito ng jeep ay agad na nagdeklara ng holdap. Tinutukan sila ng baril sa ulo at hiningi ang kanilang mga pitaka at cellphone.

Nagkataon naman na sakay pala sa front seat ng jeep ang isang off-duty na pulis na agad rumesponde.

Nagpakilala pa umano sa suspek ang pulis ngunit sa halip na makinig at pinaputukan pa ito ng baril kaya napilitang gumanti ang pulis.

Nakuha mula sa crime scene ang baril na ginamit ng suspek sa panghoholdap.

Napag-alamang sa Station 1 ng Cebu City Police Office nakadestino ang nasabing pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.