HomeTop News Philippines

Lalaking nabugbog at napahiga sa daan, patay nang masagasaan ng police mobile

Napatay ang isang lalaki sa Ilagan City, Isabela madaling araw ng Martes matapos masagasaan ng police mobile, sabi ng pulisya.

Lumabas sa imbestigasyon na humiga umano sa bahagi ng National Highway sa Barangay Baligatan si Mark Anthony Meneses, 25, nang mapadaan ang police mobile na minamaneho ni PO1 Maynard Marayag, ayon kay Senior Insp. Frances Littaua, tagapagsalita ng Isabela police.

Mabilis ang takbo ng police mobile at hindi napansin ang nakahigang si Meneses, ani Littaua.

Papunta sanang Barangay Alibagu ang police mobile para rumesponde umano sa gulo.

Isinugod sa ospital si Meneses pero idineklara ring dead on arrival dahil sa mga tinamong injury.

Nabatid ng mga awtoridad na bago ang insidente, nabugbog din ng mga hindi pa kilalang salarin si Meneses, na noo’y lasing.

Sumuko si Marayag.

Inaalam din ng mga awtoridad kung sino ang nanakit kay Meneses bago ang insidente.

— Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.