HomeTop News Philippines

Lalaki nagkalasog-lasog matapos mabangga ng umano’y drag racers sa Angeles City

Hustisya ang hiling ng mga kaanak ng isang motorcycle rider na namatay matapos mabangga ng mga humaharurot na sasakyan sa Angeles City, Pampanga nitong Sabado ng madaling araw.

Lasog-lasog ang katawan at labas ang mga buto ng biktimang kinilalang si Fernando Paguinto, na binabaybay ang kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay San Jose sakay ng kaniyang motor noong mangyari ang malagim na aksidente.

Sa kuha ng isang CCTV, kita ang pagharurot ng mga sasakyan na tila nag-uunahan sa highway. Nasapul din sa video ang pagbangga ng isa sa mga kotse sa motorsiklo ni Paguinto.

Tumilapon ang biktima at nasagasaan pa ang katawan ng mga dumaang sasakyan kaya nagkapira-piraso ito. 

Sa ilalim ng ordinansa ng Angeles City government, mahigpit na ipinagbabawal ang drag racing sa mga pampublikong lugar.

Nitong umaga ay natukoy na ang isa sa mga nakasagasa sa biktima pero hindi muna ito pinangalanan.

Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injury, at damage to property ang driver.

—Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News