HomeTop News Philippines

Lalaki inireklamo ang bangko sa P97,000 singil sa credit card

Dumulog sa Tapat Na Po si Reggie Pasco dahil hindi niya matanggap na na-charge ng higit P97,000 ang kaniyang credit card sa transaksiyong hindi umano siya ang may gawa. Screengrab

Halos P100,000 ang na-charge sa credit card ng isang konsumer kahit na hindi umano siya ang gumamit nito.

Dumulog sa Tapat Na Po si Reggie Pasco dahil hindi niya matanggap na na-charge ng P97,000 ang kaniyang credit card.
    
Pagtataka ni Pasco, tinawagan pa siya ng kaniyang bangko para tanungin kung siya nga ba ang gumamit ng credit card na sinagot naman niyang hindi. Dahil itinanggi niya ang transaksiyon, kampante si Pasco na hindi ito natuloy.

“Satisfied naman ako na walang na-compromise… Akala ko tapos na,” kuwento ng complainant.

Pero nagulantang si Pasco dahil natuloy pa rin ang transaksiyon at na-charge siya ng mahigit P97,000.
    
Depensa ng bangko, baka raw kasi ipinamigay niya ang mga confidential detail ng card niya.

“Sabi ko imposible po ‘yun kasi nasa akin ang card ko for the entire time, hanggang ngayon. Walang humahawak niyan, ni asawa ko di alam ang account ko,” giit ni Pasco.
    
Ayon naman sa pahayag ng BPI, lahat daw ng reklamo ay inaaksiyunan nila at sumasailalim sa masusing imbestigasyon.

“We are committed to look after the best interests of our clients at all times. If and when a client encounters a bank-related concern, it undergoes a thorough and careful investigation… Keeping our clients’ funds and data safe and secure is top priority,” ayon sa bangko.

Nanawagan ang BPI sa kanilang mga kostumer na maging maingat at protektahan ang personal information at i-report agad sa kanila ang mga kahina-hinalang email.

Hinding-hindi raw hihingi ang BPI ng password o one-time password via email, tawag o social media mula sa kanilang kliyente.

Nakarating na sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang reklamo ni Pasco pero walang katiyakan kung mare-reverse ang transaksiyon o maaayos ang problema niya.
    
Naninindigan din kasi ang BPI na “lehitimo” ang transaksiyon at kailangan itong bayaran ni Pasco.

Gayunpaman, handa naman ang BSP na pumagitna upang maayos ang gusot.

“Maaari po naming i-offer is ‘yung tinatawag na mediation para pagharapin ang dalawang partido at pag-usapan pa anong puwedeng gawin,” ayon kay Pia Roman Tayag, managing director ng Center for Learning and Inclusion Advocacy ng BSP.

Nanawagan din ang BSP sa mga konsumer na mag-ingat at huwag ibigay ang personal details.

Inatasan na rin ng ahensiya ang mga bangko na lumipat na sa EMV o Euro Pay, Master, at Visa chip para mas mahirap ma-clone ang credit card.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.