HomeTop News Philippines

Labi ng mag-asawang nalunod sa Maldives naiuwi na sa Laguna

Pagdating sa Laguna, binuksan na ang mga kahon na naglalaman ng mga katawan ng mag-asawa, at hindi na napigilang bumuhos ang emosyon ng mga kaanak. Screengrab

Bumuhos ang emosyon ng mga kapamilya nina Leomer at Erika Lagradilla—ang mag-asawang nalunod sa Maldives noong nakaraang linggo—nang makita na nila ang labi ng pumanaw na mahal sa buhay. 

Sabado nang lumapag sa bansa ang bangkay ng dalawa, na agad diniretso sa kanilang bayan sa Laguna. 

Parehong overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho bilang mga nars sina Erika at Leomar, na noo’y nasa Maldives para sa kanilang honeymoon nang maganap ang malagip na insidente. 

Ang Ministry of Tourism of Maldives ang sumagot sa P1.2 milyon na gastos para maibalik sa Pilipinas ang mga labi.

Pagdating sa Laguna, binuksan na ang mga kahon na naglalaman ng mga katawan ng mag-asawa, at hindi na napigilang bumuhos ang emosyon ng mga kaanak.

Itinakda sa darating na Sabado ang libing nina Leomer at Erika. 

Samantala, para maiwasang maulit ang nangyari sa mag-asawa, sinabi ni Maldives Tourism Minister Ali Waheed na magtatakda na sila ng safe swimming zones sa bawat isla para matiyak ang kaligtasan ng mga turista. —Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.