Jessy Mendiola, handa na nga bang pakasalan si Luis?

MANILA — Tila handa na si Jessy Mendiola na magpakasal nang matanong siya kung handa na ba niyang sagutin ng “oo” ang nobyong si Luis Manzano sakaling mag-propose na ito.

Sa nakaraang media conference para sa pelikula nila ni Jericho Rosales na “The Girl in the Orange Dress,” sunod-sunod na sinagot ni Jessy ang mga tanong patungkol sa hinaharap nila ni Luis.

“Alam naman niya ‘yon, alam niya ang sagot ko roon,” ani Jessy.

“Pero for now feeling ko tinatantiya niya pa. Parang feeling niya ayaw na muna niyang i-cut short itong nangyayari sa akin,” dagdag ng aktres.

Nang matanong kung “Oo” na ba ang isasagot niya sakaling sakaling biglaang mag-propose sa kanya si Luis, sagot ng aktres: “Oo naman.” 

“Hindi ba ganun tayo, kung sino ang karelasyon natin at matagal na kayo sana sila na ang magtuloy-tuloy forever,” paliwanag na hirit ni Jessy.

Sa huli, pinaalalahanan ni Jessy si Luis na huwag munang makulit lalo’t laging biro nito ang tungkol sa pagpapakasal.

“Luis ha, huwag kang ano, makulit,” ani Jessy.