HomeTop News Philippines

Inspeksiyon sa palibot ng Manila Bay, umarangkada na

Inumpisahan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Biyernes ang pag-inspeksiyon sa mga establisimyento sa palibot ng Manila Bay matapos isapubliko ang planong rehabilitasyon nito.

Sa pag-iikot, nadismaya agad si Environment Secretary Roy Cimatu nang lapitan ang Estero de San Antonio na isa sa mga pinakamaruming estero na konektado sa Manila Bay.

Nakita kasi sa water sample na 1.3 bilyon ang most probable number (MPN) na fecal coliform nito, malayo sa normal na lebel na 100. Nakita rin dito ang mga hospital waste, at dumi ng mga tao at hayop.

“Madumi talaga ‘yung lumalabas doon, so madumi ang pinanggalingan,” hinaing ni Cimatu. 

Natuklasan ding naglalabas pala ng water waste sa nasabing estero ang Manila Zoo na may mahigit 600 hayop.
    
Aminado ang pamunuan ng zoo na may septic tank sila pero walang sewage treatment plant. Ibig sabihin, untreated wastewater ang nilalabas nila sa Manila Bay pero hindi daw kasama rito ang mga dumi ng hayop.

“Ang mga nilalabas lang naman namin parang pinagliguan na lang o pinaghugasan na lang ng mga hayop… Dahil ‘yung kanilang mga dumi ay aming ginagawang fertilizer,” depensa ni Atty. Jaz Garcia ng Manila Zoo Public Recreation Department.

Pinuntahan din ng DENR ang bahagi ng Parañaque River kung saan maraming informal settlers. 

Nasa 354 pamilya ng informal settlers ang nakatira sa Bgy. Sto. Niño at wala silang septic tank kaya dumidiretso sa Parañaque River patungong Manila Bay ang kanilang mga dumi.

Plano ng DENR na plantsahin ang relocation ng mga pamilya.

—Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.