HomeTop News Philippines

Iloilo Hall of Justice binulabog ng bomb threat

ILOILO CITY — Pansamantalang natigil ang court trials at promulgation sa Hall of Justice ng lungsod na ito, Lunes, dahil sa banta ng pagpapasabog. 

Bandang alas-8:30 ng umaga nang matanggap ni Rosan San Luis, administrative officer ng Public Attorney’s Office, ang bomb threat sa isang tawag sa telepono. 

Aniya, isang matandang lalaki na paos ang boses ang nasa kabilang linya ng telepono at nag-utos sa kanila na lumabas ng gusali dahil may sasabog umanong bomba. 

Galit aniya ang boses at nagbabanta kaya ipinaalam niya ang impormasyon sa tanggapan ng Executive Judge. 
 
Kaagad namang dumating ang police bomb squad at Special Weapons and Tactics (Swat) upang siyasatin ang gusali.

Wala pang naiisip na motibo sa insidente ang punong tanggapan ng mga huwes. 

Maaaring maharap sa hanggang 5 taon na pagkakakulong at multang hanggang P40,000 ang mga mapatutunayang nagpapakalat ng bomb threat, sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727.
 

Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.