HomeTop News Philippines

Halos 2,000 kilo ng basura nahakot sa Manila bay cleanup

MAYNILA – Halos 2,000 kilo ng basura ang nakolekta sa cleanup drive na isinagawa sa bahagi ng Manila Bay sa tapat ng isang mall chain sa Pasay City, Sabado ng umaga.

Higit sa 400 katao, kabilang na ang ilang kalahok sa Miss Earth Philippines, mga guwardiya at kawani ng mall, mga volunteer, at kawani ng lokal na pamahalaan ang nakiisa sa paglilinis. 

Ayon sa isang opisyal ng mall, apat na taon na nilang ginagawa ang paglilinis sa mahigit isang kilometrong bahagi ng Manila Bay. Apat na beses sa isang taon rin isinasama nila ang publiko sa cleanup pero kada buwan ay may sariling paglilinis din ang mga tauhan ng mall. 

Sa isang malawakang clean-up sa parehong lugar noong Setyembre 2018, umabot sa 238,000 kilo ng basura ang nakolekta. 

Bawat uri ng basura ay itinatala ng kada grupo ng mga naglilinis. Karamihan ng basura ay mga kahoy at styrofoam. Mayroon ding mga lalagyan ng pagkain at inumin na itinatapon ng mga customer o pumapasyal sa bayside. 

Nagdagdag din ng mga basurahan sa lugar ang pamunuan ng mall at karatulang nagpapaalala laban sa pagtatapon ng kalat kung saan-saan.

Matatandaang inumpisahan ng gobyerno noong Enero ang rehabilitasyon ng baybayahin ng Manila Bay, kung saan tambak ang basura at marumi ang tubig. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.