HomeTop News Philippines

El Nido, isasailalim sa rehabilitasyon; ilang establisimyento, lumabag sa batas

Isasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon ang El Nido, Palawan matapos makitaan ng paglabag ang ilang establisimyento.

Sa pulong sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Miyerkoles, inilatag ng mga lokal na opisyal ang kani-kanilang ulat.

Lumalabas na 22 travel and tours companies ang kailangang ipasara dahil sa kawalan ng business permit at paglabag sa batas pangkalikasan.

Nasa limang hotel at restaurant din ang pinatawan ng temporary closure dahil sa hindi pagsunod sa easment at itinalagang 3-meter setback at isyu sa tubig at kalinisan.

Ayon pa kay DENR Secretary Roy Cimatu, kailangan pang ayusin ang solid waste management, ang ipinatutupad na easement zone, at maging ang waste water na dumidiretso pa rin sa dagat.

Nasa 50 establisimyento pa ang binabantayan ngayon ng DENR habang nasa 70 porsiyento na ng mga establisimyento ang nag-self demolish.

Paglilinaw ng DENR, ang mga lumabag na establisimyento lamang ang ipinasara at hindi ang buong El Nido.

Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng El Nido, Marso pa lamang ay sinimulan na nilang sumunod at ayusin ang mga problemang kinakaharap ng turismo sa bayan. Ngunit hindi nila ito kakayaning maipatupad kung walang suporta ng national government.

Malaki rin ang kanilang pasasalamat na hindi total shutdown ang naging kautusan dahil malaki ang puwedeng mawala sa bayan kung mangyayari ito.

Nangako ang gobernador ng Palawan na sa loob ng anim na buwan ay makukumpleto na ang central sewerage treatment plant sa bayan.

Tiniyak rin ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na ihahalintulad nila ang seguridad sa El Nido sa ginawa sa Boracay.

Sunod na iinspeksiyunin ng awtoridad ang Panglao Island sa Bohol at iba pang tourist destination. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.