HomeTop News Philippines

Drayber ng van na tumaob sa NLEX nakakulong na

Nakakulong na ngayon ang drayber ng van na tumaob sa gitna ng North Luzon Expressway (NLEX), kung saan lima sa sakay ang patay habang 10 naman dito ang sugatan.

Nakapiit ngayon ang tsuper na si alyas “Rolly” sa Apalit police station habang inihahanda ang kaniyang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injury, and damage to properties.

Sabado ng tanghali nang pumutok umano ang gulong ng van habang nasa mataas na bahagi ng NLEX sa Barangay Tabuyoc, Apalit, dahilan para tumaob ito at tumilapon ang siyam na sakay pababa sa tulay na may 20 talampakan ang taas.

“Sumabog ‘yung gulong, ‘yung left rear, so dahil dun na-out of control so bumangga siya sa gilid sa may railings,” sabi ni Police Lt. Col. Elmer Decena, hepe ng Apalit police.

Nabulabog ang mga residente nang may marinig sila na malalakas na kalabog sa ilalim ng tulay, na mga tao na pala mula sa naaksidenteng van.

“Narinig namin, kumalabog na sa tabi namin. Lumabas kami, nagsigawan kami. Nakita namin ‘yung isa nasa daan” sabi ni Lea Timoteo na taga-barangay.

Lima ang patay na pawang mga overseas Filipino worker na galing sa Makati City at ihahatid na sana sa Clark International Airport para makaabot sa flight papuntang Middle East.

—Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.