HomeTop News Philippines

Dating pulis, patay sa buy-bust sa Bulacan

MAYNILA – Patay ang isang dating pulis sa ikinasang buy-bust operation ng Bulacan Police sa Barangay Lumbak, Pulilan, Bulacan.

Kinilala ang suspek na si Rowell Reynon, residente ng Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan at miyembro umano ng Alabang Boys, ayon kay Senior Superintendent Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan Police Provincial Office.

Ang Alabang Boys ay isang grupong sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga sa Ayala Alabang area. Taong 2008 nang mahuli sa buy-bust operation ang mga umano’y lider ng grupo na mula pa sa mayayamang pamilya.

Si Reynon ay dating pulis na may ranggong Police Officer 3 at na-dismiss noong 2010. Siya ay nasa drug watchlist ngayon ng Pulilan Police.

Nauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation matapos na maiabot ng suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng P500.

Nakatunog umano ito na pulis ang kaniyang katransaksiyon kaya agad na nagpaputok ng baril. Nakaganti naman ang awtoridad na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Narekober ang isang kalibre .38 na baril, motorsiklo at isang shoulder bag mula sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.