HomeTop News Philippines

Daraga mayor, utak sa Batocabe slay: PNP

Pinangalanan na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde si Daraga Mayor Carlwyn Baldo bilang utak sa pagpatay kay AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe.

Nitong Huwebes, sinabi ni Albayalde na pitong tao ang kinontrata ni Baldo para gawin ang pagpatay sa halagang P5 milyon.

Nagsisilbi umanong private armed group ni Baldo ang mga salarin.

Pinaslang si Batocabe, 52, noong Disyembre 22 habang namamahagi ng mga pamasko sa Daraga, Albay. Patay din ang kaniyang police escort na si SPO2 Orlando Diaz.

Si Batocabe ay nasa huling termino na bilang kongresista at kumakandidatong alkalde ng Daraga kung saan makakabangga niya sana si Baldo sa eleksiyon sa Mayo.

Umabot sa P50 milyon ang alok na pabuya sa makapagtuturo sa mga pasimuno ng pagpatay, kabilang na ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Albayalde, kasong double murder ang isasampa laban kay Baldo at mga tauhan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.