HomeTop News Philippines

Dalagang dating hinalay ng lolo, 6 taong ginahasa ng ama

Arestado ang isang ama matapos ireklamo ng kaniyang menor-de-edad na anak ng panggagahasa sa Noveleta, Cavite. 

Kinilala ang suspek na si alyas “Leandro,” na anim na taon umanong hinalay ang kaniyang anak na si alyas “Louella.” 

Mismong si Louella ang nagpahuli sa kaniyang ama.

Ayon sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) – Novoleta, nagsimula ang panggagahasa nang mag-11 anyos ang biktima. Matagal nang hiwalay ang magulang ng biktima at naiwan siya sa poder ng kaniyang ama. 

“Base sa kuwento ng biktima, habang natutulog o naliligo, pupuntahan ng tatay para isagawa ang balak,” ani Police Capt. Rosalino Panlaque, hepe ng PNP Novoleta. 

Lumalabas din sa imbestigasyon na ginagalaw din ang biktima ng kaniyang lolo hanggang sa namayapa ito noong 2016, bago pa man simulan ng kaniyang ama ang kahalayan. 

Tumigil sa pag-aaral ang biktima pagtungtong ng Grade 9, bagay na ginamit umano ng kaniyang ama para siya ay makontrol at maisagawa ang panggagahasa. 

“Base sa kuwento ng bata, nangyayari ito kapag nagpapalaam siya. Di siya magpapagalaw, di siya makalabas. Pinaghihigpitan siya,” ani Panlaqui. 

Hindi na umano kinaya ng biktima ang karahasan kaya nag-text na siya sa hotline ng Noveleta police. 

Pinabulaanan ni Leandro ang paratang sa kaniya pero alam umano niya ang ginawang panggagahasa ng kaniyang ama kay Louella. 

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ang biktima habang nahaharap sa kasong multiple counts of rape si Leandro. 

— Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.