HomeTop News Philippines

Construction workers, transport groups kontra sa pambabastos

Sa pagsisimula ng Women’s Month, nagkaisa ang transport groups at grupo ng construction workers sa pagsulong sa panukalang batas na nagbabawal sa iba-ibang uri ng pambabastos at pangungutya sa mga pampublikong lugar.

Inihayag ng mga grupong Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at National Union of Building and Construction Workers (NUBCW) ang pagsuporta sa panukalang Safe Spaces Act, na magpaparusa sa iba-ibang uri ng sexual harassment o pambabastos sa mga pampublikong lugar.

Nangako ang mga grupo na maghihigpit sila sa kanilang mga miyembro para maiwasan ang mga insidente ng pambabastos.

Isasailalim din daw ang mga miyembro sa information drives at seminars para maturuan ng tamang asal at pag-uugali.

“Iwasan ‘yong dati na kapag may sexy ay sisipol,” ani ACTO President Efren De Luna.

“Ang totoo namang lalaki ay dapat talaga maginoo. Nakikita ‘yan sa kilos,” ani NUBCW Secretary General Santiago Nolla.

Bagaman may mga ordinansa ang ilang lungsod na nagbabawal ng ano mang uri ng sexual harassment at pambabastos sa kalye, layunin ng Safe Spaces Act na maipatupad ito sa buong bansa.

Sa ilalim ng panukala, ang sino mang mapatutunayang nambastos sa kalye o sa pampublikong lugar, halimbawa, ay maaaring mamultahan ng P10,000 sa unang offense hanggang P30,000 sa ikatlong offense.

Aprubado na ang panukala sa Kamara at Senado, at pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para maging ganap na batas ito.

— Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.