HomeTop News Philippines

Buntis, pamangkin arestado sa Iloilo buy-bust

ILOILO CITY – Arestado ang isang buntis at kaniyang pamangkin sa buy-bust operation sa Barangay Bitoon, Jaro, Iloilo City Miyerkoles ng madaling-araw.

Nakuha sa mga suspek ang nasa P40,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Ayon sa Iloilo City Police Station, inaresto ang mag-tiyahin matapos makabili ang poseur buyer ng isang sachet ng umano’y shabu mula sa 18 anyos na lalaki. Kasama sa bentahan ang 6 na buwan na buntis.

Depensa ng mga suspek, pauwi na umano sila galing sa isang perya matapos magbenta ng ice candy. Bigla nalang umano silang hinuli ng mga pulis. Itinanggi rin nila na sangkot sila sa pagtutulak.

Ayon naman sa Iloilo City Police Station, may kontak umano ang binata sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa. Nakakulong din ang kaniyang mga magulang sa parehong kaso.

Mahaharap ang mag-tiyahin sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. – ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.