HomeTop News Philippines

Bottled water, sandigan ng mga gipit sa tubig sa Mandaluyong

Sa bottled water kumakapit ang ilang residente sa Mandaluyong sa nararanasang water shortage sa lugar para matuloy ang takbo ng kanilang normal na pamumuhay. 

Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng Manila Water ng kanilang operational adjustment sa suplay ng tubig. 

Mamahaling brand ng tubig na lang ang natira sa isang convenience store sa Barangka Drive. 

Ayon sa crew, malakas ang bentahan ng tubig sa kanila simula nang mawalan ng tubig sa siyudad. 

Aniya, nakakapag-benta na sila ng 10 case ng mineral water sa loob ng isang oras, mas marami sa dalawang case ng mineral water na karaniwan nilang ibinebenta araw-araw. 

Mabenta rin ang kutsara, tinidor, cup, at mga paper plates sapagkat walang tubig para maghugas anila ng pinggan. 

May iilan ding kabuhayan na nalulugi sa kawalan ng tubvig gaya ng isang bakery na hindi makapagluto ng tinapay sa kawalan ng tubig. 

Kinakailangan din daw nilang bumili ng mineral water para makapagluto ng kanilang pandesal. 

Yung katabing karenderia naman ay gumagamit na ng paper plates at disposable cups para makaiwas na sa paghuhugas. 

Sa isang carwash, hindi muna pinapasok ang kanilang mga empleyado dahil hindi pa sila makapaghugas ng mga kotse dahil kulang sa suplay ng tubig. 

— Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.