Bong Revilla absuwelto sa plunder; ‘pangungulimbat’ ng PDAF ‘di napatunayan’

Inabsuwelto ng Sandiganbayan 1st Division si dating senador Bong Revilla sa kasong plunder kaugnay ng umano’y pagkulimbat niya ng kaniyang milyon-milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) na idinaan daw sa “bogus” non-government organizations (NGO) ni Janet Lim Napoles. 

Sa botong 3-2 ng korte, sinabi nitong bigo ang prosekusyong patunayan na binulsa nga ni Revilla ang tinatayang P224 milyong “kickback” mula sa kaniyang PDAF noong senador pa siya.

Ang tatlong hukom na umabsuwelto kay Revilla ay sina Geraldine Econg, Edgardo Caldona, at Georgina Hidalgo habang kumontra dito sina Efren de la Cruz and Maria Theresa Dolores Gomez-Estoesta.

Samantala, guilty naman ang hatol sa parehong kaso kina “pork barrel queen” Napoles at dating chief of staff ni Revilla na si Richard Cambe.

Nagtakda ng piyansang P480,000 ang Sandiganbayan para sa pansamantalang kalayaan ni Revilla. Ito ay para sa 16 pa niyang kaso ng graft na kinakaharap.

Matatandaang pare-parehong kinasuhan noon ng Office of the Ombudsman sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Revilla dahil umano sa kanilang pagbubulsa sa kanilang mga PDAF. Kalaunan ay nakulong ang tatlo habang nililitis.

Pero 2015 ay nakalaya si Enrile at 2017 naman ay nakapagpiyansa na rin si Estrada

Pare-pareho ring tatakbo ang tatlo sa halalan sa 2019 para bumalik sa Senado.

MGA KAANAK, SUPPORTER NI REVILLA NAGBUNYI

Samantala, umaga pa lang ng Biyernes ay dinumog na ng mga supporter at kaanak ni Revilla ang Sandiganbayan para antabayanan ang hatol.

At nang lumabas na ang desisyon, hindi na nila napigilan ang maging emosyol at magbunyi.

Para sa asawa ni Revilla na si Lani Mercado at anak na si Jolo Revilla, “pamasko” ang pag-absuwelto sa dating senador, na apat na taon ring napiit. 

Nirerespeto naman ng Malacañang ang hatol ng Sandiganbayan. 

“We have to bow down to the judgement of the Sandiganbayan. We have consistently respected the independence of the Judiciary and we will continue to do so in this case,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag. 

— May ulat nina Raya Capulong at Jorge Cariño, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.