HomeTop News Philippines

Binatilyo, ginulpi at sininturon umano ng barangay chairman sa Maynila

MAYNILA – Kinasuhan ng Manila Police District (MPD) ang isang barangay chairman matapos umanong mambugbog ng isang binatilyo.

Kasong physical injury in relation sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang inihain ng Women and Children Protection Desk ng MPD
laban kay Felipe Falcon Jr., barangay chairman ng Barangay 350 sa Santa Cruz, Maynila.

Nitong Sabado ng gabi, ginulpi umano ni Falcon at ng mga kasama niya sa barangay ang isang 16 anyos na lalaki dahil hindi siya nakilala nito.

Nagpunta umano ang binatilyo sa barangay hall para ibigay ang cellphone ng kaniyang kabarkada nang tawagin niyang “kuya” ang barangay chairman na ikinagalit nito.

Napagkamalan din ng binatilyo na kagawad si Falcon.

Dahil dito, hinataw ng sinturon, pinukpok ng dry seal, at sinampal umano ng cellphone ang binatilyo.

Ayon sa nakakita, lasing ang barangay chairman nang mangyari ang insidente.

Nagtamo ng sugat sa ulo at mukha ang binatilyo.

Ilang beses pinuntahan ng ABS-CBN News ang barangay pero wala roon ang barangay chairman.

Hindi rin daw nagpakita roon ang barangay chairman simula noong Linggo. – ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.