HomeTop News Philippines

Ban sa pork mula Japan, kasado; karneng Mongolia ibabawal

Pinag-aaralan na ng Bureau of Animal Industry (BAI) na ipagbawal ang pag-aangkat ng pork at pork products galing Mongolia dahil sa African swine fever (ASF).

“Affected na rin ang Mongolia so there will be an issuance of a memo for that,” ani Joy Lagayan, focal person for ASF sa BAI.

Una nang nagpalabas ang Department of Agriculture noong Setyembre ng pork importation ban sa 13 bansang apektado ng ASF. Kasama rito ang China, Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa, at Zambia.

Nauna nang sinabi ng BAI na hindi nakahahawa sa tao ang karneng may ASF.

Pero ayon sa Samahan ng Industriyang Agrikultura, sakaling makapasok sa bansa, maaaring magdulot ang ASF ng pagkamatay ng maraming baboy at pagkalugi ng industriya.

PORK GALING JAPAN, BAWAL NA RIN

Nitong weekend, ipinag-utos na rin ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang pansamantalang pagbabawal sa pag-angkat ng karneng baboy mula Japan dahil naman sa classical swine fever (CSF).

“That is just a temporary ban. I have issued verbal instruction na pending validation and verification,” ani Piñol.

Pareho ang sintomas ng ASF at CSF gaya ng pagkakaroon ng baboy ng mataas na lagnat, pagkawala ng ganang kumain, pagkakaroon ng mga pantal sa katawan, at pagdurugo ng internal organs.

Pareho rin silang hindi nakahahawa sa tao at ibang hayop.

Pero nilinaw ng BAI na magkaiba ang dalawang sakit.

Halimbawa, wala pang kaso ng ASF sa Pilipinas at wala pa itong bakuna. Ikinamamatay rin ito ng tinatamaang baboy at hindi agad namamatay ang virus nito sa pagluto ng karne.

Samantala, nagkaroon na ng kaso ng CSF sa Pilipinas at mayroon na rin itong bakuna.

Puwede pang mabuhay ang mga baboy na tinatamaan ng CSF kapag mataas ang resistensiya at puwede ring mamatay ang virus sa pagluluto.

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.