HomeTop News Philippines

Balangiga bell pinatunog sa pinagmulang bayan matapos ang 117 taon

Matapos ang 117 taon, pormal nang ibinalik sa Balangiga, Eastern Samar nitong Sabado ang tatlong kampana na tinangay ng mga Amerikanong sundalo sa kasagsagan ng Philippine-American war bilang “war booty.”

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pormal na turnover ceremony ng mga kampana.

“The bells are returned and it was really because of the fervent prayers of the entire Filipino nation… Nobody but nobody can claim a singular credit for the generous act of the Americans. The bells are returned. The credit goes to the American people and to the Filipino people, period,” ani Duterte sa talumpati niya kasunod ng turnover.

Natunghayan din sa unang pagkakataon sa Balangiga ang unang pagpapatunog sa isa sa mga kampana.

Pero bago pa man magsimula ang seremonya, mala-piyesta na ang buong bayan ng Balangiga sa pagbabalik ng mga kampana.

Bandang alas-4 ng madaling araw ng Sabado, umikot na sa sentro ng bayan ang banda ng musika na tinatawag na Jana o Alba, na tradisyon sa mga pagdiriwang.

“Ito’y tradisyon na namin sa Eastern Samar ginagawa kapag may pagdiriwang ang isang bayan. Ang gisingin ng mga tao sa pamamagitan ng banda,” ani Monsignor Pedro Quitorio.

Pansamantalang ilalagay ang mga kampana sa gilid ng simbahan habang tinatrabaho pa ang belfry na orihinal na pinaglagyan ng mga kampana hangga’t sa tinangay ito noong 1901.

— May ulat nina Abner Mercado, Raphael Bosano, at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.