HomeTop News Philippines

Babaeng nagpanggap na pulis, timbog sa Negros Occidental

SILAY CITY — Arestado ang isang 22 anyos na babae dahil sa pagpapanggap na isang pulis.

Naaresto ang suspek sa isang entrapment operation Linggo ng hapon.

Ayon sa hepe ng Silay City Police na si Police Lt. Col. Noel Polines, mga pulis din ang binibiktima ng suspek.

Modus ng suspek ang pagbebenta umano ng police uniform sa mas mababang halaga, pero humihingi ito ng downpayment.

Hindi rin agad nabisto na pekeng pulis ang suspek dahil naka-police uniform ito sa kaniyang mga larawan sa social media.

Sa Victorias City, nabiktima ang isang pulis na nagpadala ng P26,000 para sa mas murang uniporme na hindi naman dumating.

Ayon sa suspek, hindi niya gusto ang kaniyang ginagawa pero may nagbabanta umano sa kaniyang buhay at sa kaniyang pamilya kaya ginawa niyang manloko ng iba.

Ayon naman sa pulisya, may nabiktima na rin ang suspek sa ibang mga lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.