Babaeng nagdiwang ng kaarawan, patay sa aksidente

Naputol ang paa ng driver ng motorsiklo habang patay naman ang angkas na live-in partner na kaka-birthday lang din.

BACOLOD CITY – Patay ang isang babae matapos na masangkot sa aksidente ang sinasakyang motorsiklo, Biyernes ng madaling araw.

Nagdiwang pa ng kaniyang ika-22 na kaarawan ang biktima si Lindsay Labiga noong Huwebes, pero iyon na rin pala ang kaniyang huling selebrasyon.

Bumangga sa pribadong jeep at isang tricycle ang motorsiklong minamaneho ng kaniyang live-in partner na si Aran Aungon na nagresulta sa pagkamatay ni Labiga.

Naputol din ang paa ni Aungon sa nangyaring aksidente at patuloy na ginagamot sa ospital.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang mabilis ang pagmaneho ni Aungon ng motorsiklo at hindi ito nag-menor pagdating ng intersection.

Dahil dito, bumanga ito sa harap ng jeep at dumiretso pa sa tricycle.

Ayon sa driver ng jeep na si Edgardo Robles, nagaaway pa umano ang mag live-in partner habang sakay sa motorsiklo.

Madalas itong mangyari, ayon naman sa ina ni Labiga na si Lilibeth. Napanaginipan rin niya ang aksidente at hindi inakalang magkakatotoo ito.

Hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ni Labiga laban sa kanyang live-in partner.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.