HomeTop News Philippines

Arroyo absuwelto sa kasong ‘pagmamanipula’ sa eleksiyon

Inabsuwelto ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 sa kasong electoral sabotage si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng umano’y pagmamanipula niya sa 2007 senatorial elections noong siya ay pangulo pa.

Pinagbigyan ng korte ang inihaing demurrer to evidence ng kampo ni Arroyo na iginigiit na hindi sapat ang ebidensiya laban sa kaniya.

Taong 2011 nang ihain ni Koko Pimentel ang kaso laban kay Arroyo.

Nag-ugat ito sa umano’y utos ni Arroyo kay dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na “siguruhing” 12-0 ang magiging resulta ng 2007 senatorial elections pabor sa kaniyang partido.

Sa desisyon, sinabi ni RTC judge Jesus Mupas na bigo ang prosekusyon mapatunayan na sangkot si Arroyo sa ano mang pandaraya noong 2007 senatorial elections. 

Noong 2016, napawalang-sala rin sa pamamagitan ng demurrer to evidence si Arroyo sa kasong plunder kaugna’y ng maanomalyang paggamit umano sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

— May ulat nina Mike Navallo at Zandro Ochona, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.