HomeTop News Philippines

ALAMIN: Saan bawal magpaskil ng mga campaign poster?

Umarangkada na ngayong Martes ang campaign period o panahon ng pangangampanya para sa 2019 local at senatorial elections na gaganapin sa Mayo 13, 2019. 

Sa bisperas ng campaign period nitong Pebrero 11, ipinaalala ni Atty. Noel Del Prado sa “Usapang de Campanilla” na may mga lugar na maaari at hindi maaaring kabitan ng mga paraphernalia gaya ng mga streamer o poster tuwing campaign period. 

Alinsunod ito sa Republic Act No. 9006 o “Fair Elections Act” kung saan nakalahad ang mga pamantayan para sa tama at di tamang sukat at lugar na pagkakabitan ng mga election paraphernalia. 

Ayon kay Del Prado, ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga streamer o poster sa mga pampublikong sasakyan gaya ng mga bus, jeep, o kaya mga tren, maging sa mga mga parke, tulay, at gusali na pagmamay-ari ng gobyerno – lokal man o national. 

Maaari lamang daw magkabit ng mga campaign poster sa mga pribadong lugar o gusali kung may pahintulot may-ari, at dapat hindi lalagpas sa sukat na 3 x 8 talampakan ang mga gagamiting streamers. 

“Sa eskuwelahan, barangay halls, lahat ng tren na pagmamay-ari ng gobyerno, lahat ‘yan bawal. Dito pagbabawalan din na ikabit [ang mga campaign paraphernalia] sa mga pribadong lugar nang walang pahintulot ng pagmamay-ari,” ani Del Prado. 

Maaari namang ikabit ang mga paraphernalia sa lugar kung saan may mga election rally 5 araw bago ang pagtitipon at kailangang tanggalin 24 oras pagkatapos ng pagtitipon. 

Sapagkat maituturing na election offense ang ilegal na pangangampanya, paparusahan ang mga lalabag alinsunod sa Omnibus Election Code, kung saan maaaring makulong, ma-diskuwalipika, at matanggal ang “right to suffrage” o karapatan na bumoto ng mahahatulang lumabag sa batas. 

Magtatagal mula Pebrero 12 hanggang Mayo 11 ang campaign period para sa mga tatakbo sa pagkasenador at party-list representative. 

Magtatagal naman mula Marso 30 hanggang Mayo 11 ang campaign period para sa mga tatakbo sa Kamara at mga lokal na posisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.