HomeTop News Philippines

9 anyos ginulpi, ginahasa, ginapos umano ng 40 anyos na ‘naka-droga’

Naaresto noong gabi ng Martes ang isang lalaking umano ay nanghalay at nambugbog sa isang 9 anyos na bata sa Cainta, Rizal, ayon sa pulisya.

Ayon kay Superintendent Alvin Consolacion, hepe ng Cainta police, nahuli ang suspek na si Pepito Tagal, 40, matapos magtago nang isang araw sa Cubao, Quezon City.

Isinama umano ni Tagal noong Lunes ang anak ng kaniyang kakilala sa ilalim ng isang tulay sa Ortigas Avenue Extension, kung saan tinangka raw niya itong halayin.

“Inamin niyang nakadroga siya noong oras na ‘yon. Nadaanan niya ‘yong batang naglalaro, sumama naman sa kaniya,” sabi ni Consolacion sa panayam ng ABS-CBN News.

“Pumapalag ‘yong bata kaya tinali niya then may head injury ‘yong bata and sinabi niya naiumpog niya,” ani Consolacion.

Matapos makatanggap ng emergency call ang Cainta Community Quick Response Volunteers, nasagip ang bata, na iniwan umano ng suspek na duguan at nakagapos sa ilalim ng tulay.

Ayon sa suspek, sabay raw silang nagdroga ng mga magulang ng bata.

Pero itinanggi naman ng ama ng biktima ang paratang ng suspek.

Patuloy ang pagpapagaling sa ospital ang bata.

Nahaharap ang suspek sa reklamong rape at frustrated murder.

— Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.