HomeTop News Philippines

87 workers kinulong, puwersadong magtrabaho sa pabrika ng yosi

[embedded content]

Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bulacan ang 87 na laborer na kinulong at puwersahan umanong pinagtatrabaho sa ilegal na pabrika ng sigarilyo. 

Sinalakay ng NBI ang naturang pabrika sa bisa ng sumbong ng isang alyas “Gringo,” na nakatakas at naunang nagsumbong sa ahensiya. 

Kuwento niya, pinangakuan umano siya ng sahod na P10,000 kada buwan. Pero nagulat siya sa kondisyon ng kanilang pagtutuluyan. 
Walang ilaw, karton ang higaan, at dikit-dikit umanong natutulog ang mga trabahador. 

“Napakasikip. Kung may baboy, parang tangkal ng baboy na isa-isa rin kayo sa kuwarto. Kung may sunog, napakadelikado,” kuwento ni Gringo. 

Kinalauna’y nagkasakit si Gringo at dumudugo ang kaniyang ilong, pero hindi pa rin siya pinayagang magpatingin sa doktor. 

“Parang inaabuso na ako ng mga kapwa ko, inabuso na ako hindi ako binigyan ng leave of absence, walang pahinga, hindi rin ako pinaospital,” aniya. 

Sa pagsalakay ng pabrika, narinig ng mga ahente ng NBI ang pagsigaw ng ilang lalaki na hindi sila makahinga, at kinalauna’y nakita ang mga ito. 

Lumabas sa imbestigasyon ng NBI na peke ang mga produkto ng sigarilyo na ginagawa sa pabrika kaya hindi umano pinapalabas ang mga laborer. 

Tumanggi namang magsalita ang mga itinuturong amo nila na Chinese.

Nasa 1.6 milyon din na pekeng selyo ng sigarilyo ang nakumpiska ng NBI. Sa tantiya nila, aabot sa P1 bilyong halaga ng sigarilyo ang nasa factory. 

“Wala silang maipakitang mga papel ni isa, iimbestigahan natin sila… Pati mga permit wala,” ani NBI Bulacan chief Noel Bocaling. 

Pansamantala namang ililipat ang mga laborer sa kustodiya ng Social Welfare Office ng probinsiya para ipa-check-up at kunan ng salaysay. 

Nahaharap naman ang may-ari sa patong-patong na kaso. -Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.